May mga bulung-bulungan sa internet na ang dahilan kung bakit inanunsiyo ng Google ang game-changing na Chrome OS ay dahil meron ding mga announcements na ibibigay ang Microsoft, partikular sa status ng inaabangang Windows 7, ang update sa ngayong Windows Vista, at isang bagong alternatibong browser na may alyas na “Gazelle”. Bukod dito ay magkakaroon ng panibagong update ang mga naantalang Office Live, na siyang pantapat ng Microsoft sa popular na Google Apps Service.
Kung ako ang tatanungin niyo, hindi ako masyadong interesado sa Windows 7, dahil kung tutuusin, parang ibinalik lang nila ang “kaayusang” makukuha sa Windows XP, at binihisan lamang ito ng maayos na “dating” o “look and feel”. Mas interesado ako sa Gazelle, dahil magmula nang maglaban ang Netscape Navigator (naaalala niyo pa ba ang browser na ito?) at Internet Explorer, Internet Explorer na ang flagship browser ng Windows. Ayon sa mga balita, rebolusyunaryo ang konsepto sa likod ng Gazelle dahil inayon ito sa ideyang ang Browser ay higit sa isang sekretaryang tagadala at tagahatid ng impormasyon na basta lang dadalhin sa iyo ito at iyong aaprubahan lagi. Mas naiisip nila ito bilang isang “traffic enforcer” kung saan ang mga malalaking trak at maliliit na tricycle ay inaalalay nang maayos ang bawat isa upang tuloy-tuloy ang trapiko sa “information highway”. Nagkaroon din ng konsepto ng “browser kernel” kung saan ito ang magdedesisyon kung anong mga resources (memory, takbo ng processor) ang ilalaan sa mga impormasyong ito, na hindi sinisira ang mismong operating system. Kung ganito ang magiging susunod na disenyo, hindi malayong maging cross-platform ang browser na ito. Ibig lang sabihin nito ay maaari niyo nang magamit ang isang Microsoft browser sa Macbook, o sa Linux systems para sa mga geeks.
Nakakapanabik ang ganitong scenario dahil mukhang iniiwas na ng Microsoft ang ideya na ang browser ay dapat bahagi ng kaluob-luoban ng Operating System. Isa pa ay hindi na magiging sagabal ang “browser-compatibility” o kaayusan ng functionality isang website anuman ang operating system na pinagtatakbuhan nito. Ang tanging tanong lang ng inyong lingkod ay “Bakit ngayon lang?” gayong nasimulan na ito noon pa sa kapanahunan pa ng unang graphical browser, ang Mosaic. At ayon din sa ilang mga ulat, kasalukuyang ginagamit ng Gazelle ang engine na nagpapagana sa Internet Explorer upang ma-visualize ang mga website. May bulung-bulungan din na mas mabagal pa ito sa Internet Explorer 8, ang kasalukuyang pinakamabagal na modernong browser, kaya hindi rin maaalis sa isipan na hindi pa talaga ito handa para sa “primetime”.
Ano sa tingin niyo?
Update: Sa pagkakabasa ko pa, at ilang mga diskusyon kasama si Marte Soliza, mukhang ang “behavior” ng Gazelle ay tulad ng sa mga laganap na Virtual Machine Applications, na ang ibig sabihin ay may sariling “operating system” ang browser na ito, na ginawa upang ma-optimize o mas maging efficient ang paggamit ng hardware sa ilang mga “browser applications” gaya ng Flash, Javascript, at iba pa. Mukhang isang hakbang nga ito pa-abante mula sa “pinakamodernong” browser na Chrome, kung saan ang bawat webpage ay maaaring ikunsidera bilang isang “process” o isang program. Ang unang pangalan niya ay MashupOS.


