Archive for the ‘Fast Forward’ Category

Chromium Courgette, Labas na!

Thursday, July 16th, 2009

Ngayon araw ay inanunsiyo ng Google Open Source Project na Chromium ang bago nilang technology, ang Chromium Courgette. Nilalayon ng Courgette na mas maging maliit ang kinakailangang i-download na data para sa mga updates ng Chrome. Nabanggit sa anunsiyo na kumpara sa bantog na BSDiff (na ngayon ay maituturing na de-facto binary differential tool), mas maliit ang nagagawa nitong pagkukumpara.

chromium.jpg

Paano ba gumagana ang mga binary differential tools?

Lahat ng mga file natin sa computer ay maikaklasipika sa dalawang punong kategorya: (1) Text; at (2) Binary. Madali lamang baguhin ang sa text dahil anuman ang posisyon na binago, yun din ang ilalahok sa lumang file sa eksaktong posisyon kung saan nangyari ang mga pagbabago. Kung nais nating mabago ang isang file, may mga paraan para hindi na kakailanganin pang ilagay ang buong file sa RAM para lamang maisulat ito sa hard disk. Kung ihahalintulad ito sa paggawa ng fruit salad, kung nais natin na maging mas matamis ito, dadagdagan lang natin ito ng asukal kaysa gumawa ulit ng isang bagong bandehado ng mga prutas at cream, saka lalahukan ng asukal. Kapag masyado itong matamis, kailangan lang itong dagdagan ng cream at makukuha na ang ninanais na pormula, kaysa gumawa ng panibago.

Ang mga delta, o mga pagbabago mula sa isang lumang estado papuntang bago ay ina-apply o ipina-patch sa lumang estado upang magbago ang file papunta sa ninanais na kalagayan. Sa panahon ngayon, ang mga updates ng mga programang ginagamit natin tulad ng Internet Explorer at QuickTime ay gumagamit ng ganitong istilo upang mabilis ang pag-download ng software at ma-update ang mga ito.

Ang BSDiff ay isang popular na paraan para makalikha ng mga delta. Bukas sa lahat ang pamamaraan (o algorithm kung tawagin) at ang source code (o ang sangkap sa paggawa ng software) nito.

Iba ang kaso sa binary.

Paano gumagana ang Courgette

Sa ngayon, ang mga binary differential tools ngayon ay gumagamit ng mathematical redundancies at patterns upang makita ang mga paulit-ulit na pattern ng code sa mga files. Sa paggawa ng isang programa, kahit maliit na mga detalye sa source code ay nagko-contribute ng mas lalong “kaguluhan” sa binary code. Kung isasaalang-alang ang ideya na lahat ng binary data ay maaaring ilatag sa isang lohikal na pamamaraan, maaari nang magkaroon ng delta na alinsunod sa mga prinsipyo ng text-differentiation. Dito umiikot ang konsepto ng Courgette, at sa pamamaraang ito mas madaling mapapaliit ang mga delta na kinakailangan sa mga software updates.

Kahalagahan sa mga Susunod na Proyekto

Matatandaang kamakailan lamang ay inanunsiyo ng Google ang Chrome OS, at hindi maitatangging maaari ring maging pundasyon ng bagong operating system ang Courgette, dahil bukod sa makakatulong ito sa pag-update ng mga software na nakalagay sa Chorme OS, maaari rin nitong matulungan ang problema ng file synchronization o pagsasalin at pagkuha ng mga files sa iyong computer papunta’t pabalik mula sa server. Isa ito sa mga magiging istratehiya ng Google upang matupad ang palagiang-online, at palagiang-reliable na Web Operating System. Kapag mas maliit ang delta, mas magiging mabilis ang tugon ng mga web applications sa isang normal file operation anuman ang bandwidth mayroon ang isang computer user.

Sa ngayon, hindi pa kasama sa anunsiyo kung gagawin itong isang Open Source Project gaya ng Chrome, ngunit dahil ito ay kabilang sa Chromium project ng Google, hindi malayong ibukas sa publiko ang Courgette.

Isyu ng Media Player Synchronization

Wednesday, July 15th, 2009

Kamakailan lamang ay nagkaroon ng bagong update ang iTunes, at ang pinakamahalagang update nito ay ang pagharang sa Palm Pre na makapag-sync ito sa iTunes. Nagkaroon tuloy ng pagkadismaya sa bahagi ng Palm at mga may-ari ng Palm Pre nang mabalitaan ang ginawang ito ng Apple.

Matagal na’ng isyu ang pagsy-synchronize ng media mula computer hanggang media player. Ang bawat media player ay may kanya-kanyang paraan (tinatawag na protocol) para ma-beripika na maaari nang magsalin ng files papuntang media player. Masasabing ang iTunes at Apple ang pinaka-notorious sa mga ito sapagkat hindi lang eksklusibo ang protocol na ginagamit, eksklusibo rin na ang iTunes ay palagiang dapat nagsy-synchronize sa iPod. Maraming nagsasabi na ang ease-of-use o madaling paggamit ng sistema ang naging pangunahing dahilan ng tagumpay ng iPod at iTunes. Ngunit kung iisipin, at dahil na rin sa proprietary ang kalikasan ng iTunes at iPod, masyadong sinasakal ng dalawang teknolohiya ang pamamaraan natin para sa malayang pagsasalin at paggamit ng ating sariling media files.

Una sa lahat, ang iTunes Store ang pinakamalaking digital-downloads-only na tindahan sa buong mundo. Kung hindi ka gumagamit ng iTunes, hindi ka maaaring bumili dito. Ayos lang sana ang ganitong scenario dahil libre namang makukuha ang iTunes, ngunit aanhin mo ang nabili mo sa iTunes Store kung (1) Ang file type / format ng iyong dina-download ay eksklusibong Apple Technology (m4a, m4v), bagay na inirereklamo ng karamihan dahil iTunes lamang o QuickTime ang maaaring mag-play ng mga ito; at (2) ang mga media na ito ay magagamit lamang sa iPod / iPhone.

Pangalawa, ang iPod, bagama’t nakaka-play ng mp3 formats, ay hindi tumatanggap ng iba pang format na likha ng Microsoft, o ng Open Source Codec na Ogg Theora. Sa bagay na ito nasasakal ang customer sa choice ng mga files na maaaring gamitin sa iPod.

Ikatlo. Ang paraan ng pagsy-synchronize ay sarado, bagay na sinusubukang malampasan ng ilang mga Open Source na proyekto gaya ng GTKPod, libiTunesDB, at AmaroK. Naisip niyo ba na kung ang mga devices ay may “standard protocol” na maaaring gamitin ng mga program sa Linux, Windows, at Macintosh para maayos na maisalin ang mga media papuntang kahit anong media player. Isipin niyo na lang na mas magiging matindi ang kumpetisyon ng mga media player kung lahat sila ay susunod sa patakarang ito. Gaya ng Zen at ng Zune. Kung magkakaisa ang dalawang media player na gumawa ng isang Open API (kahit hindi kinakailang bukas ang source code o mga sangkap sa pagkakabuo ng protocol), hindi malayo na susunod ang industriya ng Mobile Phones at iba pang mobile devices sa direksiyong ito. Kung yun ang magiging moda ng media transfer, di malayong mapipilitan ang Apple na sumunod dito.

Ngunit hindi rin masisisi ang Apple dahil sila naman talaga ang nagpasimuno ng online retailing para sa media, at kung magiging mas malawak ang merkado, mas magiging mahirap ang pagpupulis, o pagbabantay ng integridad ng buong iTunes system. Ika nga, kung mas kaunti ang mga responsibilidad, mas madali at maaari pang ipagbuti ang pagsasagawa ng mga ito.

Heto na: Chrome OS!

Wednesday, July 8th, 2009

Kahapon ay in-announce ng web giant na Google, Inc. ang sinasabing game-changer sa laro ng operating systems: Ang Chrome OS. Ayon sa anunsiyo:

Speed, simplicity and security are the key aspects of Google Chrome OS. We’re designing the OS to be fast and lightweight, to start up and get you onto the web in a few seconds. The user interface is minimal to stay out of your way, and most of the user experience takes place on the web. And as we did for the Google Chrome browser, we are going back to the basics and completely redesigning the underlying security architecture of the OS so that users don’t have to deal with viruses, malware and security updates. It should just work.

Ayon sa ilang mga detalye, ang Google Chrome OS ay may pundasyon na hango sa Linux kernel, at bubuuin ang mga Applications o Programs na magagamit dito base sa kalalabas pa lamang na browser ng Google, ang Chrome. Nabanggit din na ang Google Chrome OS ay hango sa tradisyon ng pagde-develop ng Google Chrome, kung saan unang isinaalang-alang ang mga importanteng functionality kaysa sa dami ng magagawa nito. Dapat ay magkaroon ito ng mabilis na bootup time, o ang panahon magmula pagbukas ng computer hanggang sa panahong maaari na itong gamitin para sa pang-araw-araw na computing.

Bagama’t inaasahan pa itong matapos o mai-launch sa second-half ng susunod na taon, maraming haka-haka na ang naglalabasan kung bakit kailangan ng isang web company giant na gaya ng Google ang isang panlaban sa mga katulad ng prominenteng Windows platform, at sa Open Source champion na Linux Operating System.

May ilang nagsasabi na ito ay paraan ng Google upang masigurado na ang mga users nila ay naka-hookup sa mga teknolohiyang gawa ng Google gaya ng Maps, Docs, at GMail. Masasabing mahusay ang istratehiyang ito dahil sa paggamit at pagkuha ng OS sa libreng halaga, malaki ang posibilidad na maging mas visible ang mga advertisements na siyang primary source ng revenue para sa kumpanya.

Sa isang banda, may mga nag-iispekula na ito ay hakbang upang dahan-dahang mag-domina sa computing industry, bagay na kinatatakutan marahil ng Microsoft at Apple. Ayon sa artikulong ito, mas matindi ang epekto ng domination na ito sa Apple dahil katapat ng Google pagdating sa mga desisyong pang-usability at features ang kumpanyang Apple, na gumawa ng mga design hall-of-famers na iPod, Macbook, at ang rebolusyunaryong iPhone.

Sa opinyon ng inyong lingkod, wala pang dapat ikabahala ang kumbensiyunal na computing industry. Kahit na maliit na panahon lamang ang hihintayin bago dumating ang bagong OS, mahihirapan ang Google na mahatak ang mga normal users sa paggamit nito dahil sa mga sumusunod na punto:

  1. Ang pangunahing target nito ay ang bilis at tatag ng sistema sa mga netbooks. Maaalalang ang Microsoft at Linux ang mga pawang dominanteng puwersa sa pagiging matagumpay ng platapormang netbook. Bagama’t matagumpay nga ito at napatunayang may sustainable na merkado, hindi kaila sa lahat na ang industriyang netbook ay hindi maaaring ibilang sa mga malalaking merkado gaya ng Desktop Publishing (kung saan dominante ang Apple at Microsoft), Server (kung saan dominante ang Linux), at pati na rin sa Enterprise. Maaari ngang makahabol ang Google Chrome OS sa mga mas malalaki at mabibilis na mga plataporma, ngunit ang mga nasabing merkado ay hindi pa handa para sa isang platform na hindi pa alam kung ano ang mga suportadong aplikasyon at workflow…
  2. … na magiging pangalawang dahilan. Gaya ng Linux dati, hindi lahat ng file formats at mga programs na makikita sa Windows ay maaaring patakbuhin o paganahin sa Linux platform. Sa ngayon, ang puntirya ng Google Chrome OS ay limitahin ang mga nagagawa nito sa pagba-browse ng web, gamit ang Chrome Browser nito. Inaasahan din na magiging malaki ang role ng mga web apps ng Google gaya ng Docs at GMail sa kabuuan ng Chrome OS. Sa pananaw ng inyong lingkod, magiging problema sa mga users ang pag-adopt ng web applications lalo na ngayon na ang laban talaga ang sa mga native applications. Ginawa noon ng Apple na gawing web-based ang mga applications, ngunit nabigo itong maghatak ng mas maraming developers para suportahan ang drive na ito.
  3. Nariyan pa ang Linux. Huwag dapat nating isipin na ang kayang gawin ng Chrome OS ay hindi kayang gawin ng Linux, sa pangkalahatan. Ang Open Source Community ay malayang gamitin ang source code ng Chrome OS upang iayon ito sa mga gusto ng kumunidad. Kung paano isasaalang-alang ng Google ang scenario na ito (kung lilimitahin ba nito ang pag-distribute ng at pag-contribute sa Google Chrome OS, ala-BSD) ay hindi pa natin alam.

Ngunit hindi natin maikakaila na maraming implikasyon din ang tagumpay nito. Una, ang performance ng computing ay hindi na maipapasa sa hardware, kundi sa connection resilience o bagal at katatagan ng koneksiyon sa internet, at ang lakas ng mga server machines na magsisilbing processor ng mga lightweight o thin clients gaya ng netbooks. Hindi rin maikakaila ang posibilidad na lahat ng data o impormasyon ng isang tao ay maaari na’ng ma-access kahit saan, kahit kailan, na hindi na iniisip ang pagkasira ng hardware gaya ng hard drive o mismong computer. Kung hindi na maisasama ang hardware sa performance, magkakaroon din ng posibilidad na kahit anong computing devices ay magkakaroon ng parehong experience sa iba’t ibang klaseng mga computing devices gaya ng cellphone, o kung maaari, ang iyong refrigerator o toaster.
Kung ano ang mangyayari sa Chrome o sa kinabukasan ng computing ay masasabi na lamang natin sa mga darating na panahon.