Kalalabas lang ng bagong update ng popular na media player ng Apple Inc., ang iTunes 8.2.1. Maaaring makuha ang update sa pamamagitan ng builtin update system nito (sa Windows at sa Mac platforms), o sa pag-download mula sa opisyal na site ng iTunes. Bukod sa ilang mga graphical at internal fixes, kapansin-pansin sa ibaba ang “issue” sa “verification of Apple devices”.

Matatandaang nito lamang nakaraang buwan ay inanunsiyo ng Palm ang isang paraan upang maka-synchronize o makipagsalo ang iTunes sa Palm Pre, ang pinakabagong modelong mobile ng Palm, ng music, contact, at iba pa gamit ang tinatawag nilang “Media Sync“. Nagawa ito ng Palm sa pamamagitan ng pagre-reverse-engineer ng mga protocols o mga katawagan habang nagkakaroon ng synchronization sa pagitan ng Palm pre at ng iTunes. Sinusubukan din ng “Media Sync” na pagmukhaing iPod ang Palm Pre upang madali na lamamg maisalin ang mga media at impormasyon papunta at pabalik mula sa nasabing mobile device.
Sa ngayon, nakumpirma ng PreCentral na hindi nga gumagana ang Media Sync sa bagong version ng iTunes, kaya naman may ere ng pagkadismaya na namumuo ngayon.